Tubig-baha sa Pasig City hanggang 2001 pa

Nangangamba ngayon ang may 1,728 pamilya sa Pasig City na aabutin sila ng Pasko sa mga evacuation areas dahil sa patuloy na pagkakalubog ng kanilang mga tahanan sa tubig-baha dulot ng nagdaang dalawang bagyo, partikular na kapag high tide.

Ipinag-utos na ngayon ni Mayor Vicente Eusebio ang masusing pagbabantay ng mga medical teams sa 16 na pampublikong paaralan na pansamantalang ginawang mga evacuation centers upang maiwasan ang posibleng pagkakasakit ng mga bata.

Sa kabila na wala pa silang naiuulat na outbreak ng sakit, nangangamba ang mga opisyal ng Pasig City Disaster Center na hindi magtatagal ang dadapuan ang mga evacuees ng sakit matapos na makapag-ulat ng 10 bata na nagkakaroon ng problema sa paghinga.

Ayon kay Jing Miranda ng Disaster Center, umaalis umano ang mga residente tuwing umaga upang tingnan ang kanilang mga tahanan ngunit bumabalik din sa gabi dahil sa pagtaas ng tubig kapag high tide.

Umaangal naman ang mga pamilya sa kakulangan ng rasyong inuming tubig sa mga evacuation areas matapos na maapektuhan ng baha ang sistema ng mga tubo.

Bukod sa Pasig, naapektuhan din ng tinatawag nilang "Bagyong Silangan" ang mga bayan ng Pateros at Taguig.

Una nang idineklara ni Eusebio na nasa state of calamity ang lungsod. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments