Pasig lubog pa rin sa tubig-baha

Matapos ang paglubog ng Pasig City noong 1988, pinangangambahan na muling mauulit ito dahil sa hindi pa rin paghupa ng tubig-baha dito na mahigit tatlong buwan na. Bunga nito ay sinuspinde ni Pasig City Mayor Vicente Eusebio ang mga klase sa 23 elementary at 8 high schools dahil sa panganib na idudulot ng tubig-baha sa mga mag-aaral.

Inihayag ni Eusebio na nagpupulong na ang Sangguniang Lungsod upang ideklara ang "state of calamity" sa Pasig.

Ayon kay Jing Miranda, ng Pasig City Disaster Center, una nang nalubog sa tubig-baha ang lungsod sa loob ng limang buwan, 1972; tatlong buwan, 1976; apat na buwan, 1986 at tatlong buwan, 1988.

Sinabi ni Miranda na 14 sa 35 barangay malapit sa Napindan Channel at Pasig river ang lubog pa rin, habang umabot naman sa bubong ng mga kabahayan ang tubig-baha sa Bgy. Pinagbuhatan at hanggang tuhod ang tubig sa harap ng Pasig city hall.

Bagsak ngayon ang negosyo sa mga lugar na binaha dahil sa pansamantalang pagsasara ng mga ito habang naging palengke ngayon ang harap ng St. Immaculate Conception Church matapos na dito lumipat ang mga tindero sa pagbebenta.

Samantala, namimiyesta naman ngayon ang mga tricycle at pedicab drivers dahil sa nakakasingil sila ng hanggang P20 sa mga pasahero. Pinasok na rin ng bangkero ang lungsod na sumisingil ng P10 kada pasahero. (Ulat ni Danilo Garcia)

Show comments