Sa report na nakarating kay Makati police chief, Supt. Jovito Gutierrez, kinilala ang biktimang si Park Jung Hwan, 25, binata, estudyante sa di binanggit na paaralan at nakatira sa South Avenue, nabanggit na lungsod.
Sa inisyal na imbestigasyon ni PO2 Ricky Mel Corpuz ng General Assignment Section (GAS), noong Oktubre 27 taong kasalukuyan dakong alas-5 ng hapon sa may South Avenue ay hinataw ang biktima sa ulo at katawan ng isang kahoy ng di nakikilalang suspek.
Sa kabila ng tinamong mga sugat, nadala nito ang sarili sa Hana Medical Clinic na nasa LPL building, Gil Puyat Ave.
Habang naka-confine at nagpapagamot ay dinukot ng di kilalang lalaki ang biktima at sapilitang isinakay sa Starex van na may plakang WNT-203 na may back-up pa na isa ring Starex van na may plakang WHB 952. Ito naman ay base sa salaysay sa pulisya ng attending physician na si Dr. William Han.
Hanggang sa kasalukuyan ay di pa natatagpuan ang biktima. May teorya ang pulisya na fraternity ang dahilan ng pagkakadukot sa biktima. Nalaman sa nakalap na impormasyon na gusto na umanong tumiwalag nito sa inanibang fraternity. Ang kaso ay inilipat sa tanggapan ng PAOCTF. (Ulat ni Lordeth Bonilla)