Preso nakatakas, 3 pulis sinibak

Tatlong pulis escort ang sinibak matapos matakasan ng isang preso sa Balut police station sa Tondo, kamakalawa.

Pinaghahanap na ang pumugang si Mario Hilario ng Ilang-ilang st., Palmera Spring, Caloocan City na may kasong estafa.

Iniutos na ni WPD director C/Supt. Avelino Razon ang pagsibak kina SPO1 Jaime Urutia, PO1 Rommel Ticagan at SPO4 Arnulfo Tauro. Pinag-aaralan din kung may pananagutan ang hepe ng station 1 na si Supt. Danilo Pelisco na tatlong araw pa lamang natalaga sa tungkulin.
Nabatid na nagpaalam ang preso na tatawag sa telepono sa kanyang abogado kaya inilabas ng kulungan habang ang dalawa nitong dalaw ay naroon din ng mga sandaling ‘yon. Nang magsiuwi ang mga bisita ay wala na rin si Hilario. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments