Tinatayang umabot sa 600 katao mula sa Bgy. 20, Zone 11 ang nagsabing hinakot umano sila ng kanilang barangay chairman na si Viviano Navarra patungong Mendiola bridge at pinangakuang bibigyan ng pera at pakakainin ni Mayor Lito Atienza upang suportahan ang demonstrasyon na pro-Erap.
Ang rally ay may naglalakihang streamer na "People’s Movement Against Poverty" at mga plakard na may sulat na "depensa ng masa, alay ni Atienza."
Sinabi ng isang Lola Ising, 65, napilitan umano siyang sumama nang yayain ni Navarra dahil kailangan niya ng P500 na pambili ng gamot ng apo niyang may sakit.
Ngunit laking pagkadismaya ni Lola Ising nang dakong 12:30 ng tanghali ay wala pa silang makain at ni hindi man lamang binigyan ng inumin.
Dahil gutom na gutom, ipinasya ni Lola Ising na umuwi na lamang at nagpaalam saka hiningi kay Navarra ang ipinangakong P500.
Pero, lalo lamang nanlumo ang matanda nang sabihin umano ni Navarra na wala pa umanong ipinahahatid na pera si Atienza. (Ulat ni Andi Garcia)