Megalotto winner namudmod ng balato sa mga kapitbahay

Nagmistulang si Santa Claus na namudmod ng P500 bilang maagang Pamasko sa daan-daan nitong kapitbahay na naging biktima ng sunog at tig-P100 sa iba pa ang 77-anyos na matandang dalaga na nakakuha ng P39M jackpot prize ng Megalotto.

Ang ‘septuagenarian philantropist’ ay itinago sa pangalang Aling Dedeng, hardinera ng Beata, Pandacan.

Sinabi ni Jon Aranas, driver at kapitbahay ng winner, na isang malaking bagay ang pagpapamudmod ni Aling Dedeng ng pera at ito ay blessing sa kanila dahil na rin sa kapos ang mga ito matapos na masunog ang kanilang kagamitan at bahay.

Dahil sa mabilis na kumalat ang balitang namigay ng pera si Aling Dedeng ay walang tigil ang pagdagsa at dinumog ng libo katao ang bahay nito dahilan para magkagulo at magkaroon ng stampede ng magulo ang pila na inayos ng mga barangay officials at tanod matapos na magpumilit ang iba na mauna at makakuha ng balato.

Hanggang kahapon ng hapon ay patuloy na pumipila ang mga di-pa nabibiyayaan ng "grasya" kay Aling Dedeng.

Ayon pa sa mga kapitbahay, nangako umano si Aling Dedeng na bago siya tumulak patungong Estados Unidos para magpagamot sa hindi binanggit na karamdaman, bibiyayaan niya ang kanyang mga ka-lugar bilang tulong-pinansyal sa mga ito. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments