HUDCC chair kukuwestiyunin dahil sa mga kaanak na kontratista

May sapat umanong mga basehan upang kuwestiyunin si Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) head Leonora de Jesus dahil sa umano’y pagtatangka ng kanyang mga kaanak at kakilala na makakuha ng kapaki-pakinabang na mga kontrata sa industriyang pabahay.

Sa isang special meeting kamakailan ng House Sub-Committee on Housing for the Poor, kapwa inendorso ng administration at opposition solons sa Committee on Good Government ang initial findings na ang kapatid na lalaki ni de Jesus na si Jobert Vasquez ay gumawa umano ng impluwensiya sa nasabing government housing agency.

Ang resolusyon ay ginawa ni LAMP Congressman Eduardo K. Veloso (Leyte) matapos ang pakikipag-usap sa nadismis na si National Home Mortgage Finance Corp. president Augusto Legasto, na nagbunyag na siya ay pinatalsik ni de Jesus dahil umano sa kabiguan nitong makipag-tulungan sa kanyang kapatid na si Jobert sa umano’y illegal disposition ng government housing funds.

Sa isang press statement noong nakaraang linggo, ang HUDCC ay nagpahayag na si Legasto ay sinibak ng Pangulo dahil sa "gross neglect of duty, gross violation of the rules of serious nature, at gross insubordination."

Gayunman, nadiskubre ng Housing sub-committee na pinaniwala ng HUDCC ang Pangulo sa pinalabas nitong press release na si Legasto ay nadismis dahil sa tatlong kaso sa Ombudsman, gayong alam umano ni Sec. de Jesus na dalawa sa mga kasong ito ang nadismis na.
Kinondena rin ni Veloso si de Jesus sa pag-akusa kay Legasto ng insubordination ng umalis ito patungong US upang makasama ang kanyang mga anak matapos pumanaw ang maybahay nito. Hindi umano binigyan ng HUDCC chair ng travel approval si Legasto sa kabila ng kahilingan nito.

Nakatakdang gumawa ng legal na hakbang si Legasto hindi upang maibalik sa trabaho kundi upang linisin ang kanyang pangalan at reputasyon. (Ulat ni Pete Laude)

Show comments