Brgy. chairman todas sa ambush

Labimpitong bala ng baril ang tumapos sa buhay ng isang barangay chairman na inambus sakay ng kanyang service car malapit sa tirahan nito sa Intramuros, Maynila kamakalawa ng gabi.

Tinadtad ng bala ng kalibre .45 ng tatlong di kilalang suspek ang biktimang si Bgy. Chairman Generoso Hispano, 46, sa panulukan ng 2nd at Muelle del Rio sts. Matapos ang pamamaslang ay tumakas ang mga salarin sakay ng tinangay na sasakyan ni Hispano. Ilang sandali ay narekober naman ng pulisya ang get-away vehicle na inabandona sa Binondo.

Wala pang makitang motibo sa pagpaslang, subalit may teorya ang pulisya na posibleng may "nasagasaan" ang nasabing chairman sa kanyang pagpapatupad ng kampanya laban sa ilegal na droga sa kanyang nasasakupan.

Ayon sa ilang residente, makailang ulit nang nagpahuli ang biktima ng mga hinihinalang drug pushers sa kanyang lugar. (Ulat ni Ellen Fernando)

Show comments