Namatay habang nilalapatan ng lunas sa Ospital ng Maynila ang biktima na si Rolando Dizon, binata, tubong Pangasinan at residente ng #1664 Estrada st., San Andres Bukid.
Ayon kay Western Police District Traffic Management Group (WPD-TMG) Chief Supt. Roberto dela Rosa, naganap ang insidente dakong alas-7:20 ng umaga habang naglalakad at papatawid sa isang riles ng tren ang biktima sa Vito Cruz at San Andres sa Malate.
Ilang saksi ang nagsabi sa pulisya na nakita nila na parang wala sa sarili ang biktima at hinihinalang lasing sa alak habang naglalakad at nang malapit nang dumating ang naturang tren na may body number 304 ay saka ito tumawid.
"Mabuti at tumilapon siya at hindi pumailalim nang mahagip ng tren, kundi baka gutay-gutay na ang kanyang katawan," anang isang kasamahang tricycle driver na nagsugod sa biktima sa pagamutan.
Nang mahagip si Dizon ng tren ay mabilis na tumilapon ito at tumama ang kanyang ulo sa semento sanhi ng pagkadurog ng kanang bahagi ng kanyang mukha at ibang parte ng katawan.
Pinaghahanap na ang operator ng naturang tren ng Philippine National Railways. (Ulat ni Ellen Fernando)