Class suspensions sa El Niño, iwasan – Win
MANILA, Philippines — Hinimok ni Senate President Win Gatchalian ang Department of Education (DepEd) na tiyaking naipatutupad ang mga El Niño protocol nang hindi nalalagay sa alanganin ang pagkatuto ng mga mag-aaral.
Binigyang-diin ni Gatchalian na dapat maging localized ang pagsususpinde ng klase sa halip na agad na magpatupad ng malawakang class suspension sa mga lugar na hindi naman lubhang apektado nang matinding init.
Ayon sa kanya, bagama’t mahalagang mapanatili ang kaligtasan ng mga estudyante, hindi rin dapat maisantabi ang epekto ng madalas na pagkansela ng klase sa kanilang pag-aaral.
Babala ni Gatchalian, maaaring magpalala sa learning loss at magpalubha sa krisis sa edukasyon ang malawakang suspensyon ng mga klase.
“Hindi lang ang kaligtasan ng mga mag-aaral ang pinagbabantaan ng El Niño, kundi pati na rin kakayahan nilang matuto. Kailangang tiyakin nating hindi uurong ang kaalaman ng ating mga mag-aaral dahil palalalain nito ang krisis natin sa edukasyon,” ani Gatchalian.
Batay sa policy note ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM II), nawalan ng nasa 20 araw ng pagtuturo ang karaniwang pampublikong elementarya noong School Year 2025-2026 dahil sa mga suspensyon ng klase na dulot ng iba’t ibang panganib at sakuna.
Natukoy rin sa ulat na sa bawat araw ng kanselasyon ng klase, nawawalan ang mga mag-aaral ng katumbas na humigit-kumulang 1.4 araw ng reading progress.
Samantala, inilunsad kamakailan ng DepEd ang 4H Framework bilang gabay sa pagsususpinde ng mga learning activity sa panahon ng El Niño. Sa ilalim nito, awtomatikong ihihinto ang lahat ng physical at home-based learning activities kapag umabot sa 42°C o mas mataas ang heat index sa isang lugar.
- Latest























