Final 12 ng Gilas Pilipinas sa third window pinangalanan na
MANILA, Philippines — Babanderahan ni naturalized player Justin Brownlee ang Gilas Pilipinas na sasabak sa third window ng FIBA World Cup Asian Qualifiers na lalarga sa susunod na buwan.
Sariwa pa si Brownlee sa kampeonato matapos tulungan ang Barangay Ginebra na makopo ang korona sa PBA Commissioner’s Cup.
Pasok din sa lineup sina Mike Phillips, Justine Baltazar at Troy Rosario dahil wala sa listahan sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown.
Hindi rin makalalaro si Calvin Oftana na nakatakdang sumalang sa operasyon.
Kaya naman inaasahang kakayod ng husto ang Pinoy cagers upang makasabay sa mga mabibigat na laban nito kontra sa New Zealand at Australia.
Nasa lineup din sina June Mar Fajardo, AJ Edu, Chris Newsome, RJ Abarrientos, Kevin Quiambao, Dwight Ramos, Scottie Thompson at Carl Tamayo.
Maiksi lamang ang selebrasyon ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na dinala ang Gin Kings sa kampeonato dahil agad itong sasalang sa ensayo ng national team.
“I have to go to Gilas practice tomorrow (Huwebes). It’s tough because it doesn’t stop at this point. When everybody else is taking a break, Gilas is going out there and playing,” ani Cone.
Nagsimula na ang ensayo ng Gilas kung saan sina Edu, Quiambao, Tamayo, Ramos, Phillips at Baltazar lamang ang dumating noong Miyerkules dahil sa kani-kanyang commitment ng ibang players.
Ngayong tapos na ang PBA Commissioner’s Cup, inaasahang makakasama na rin ang iba pang players para mabilis na maibalik ang chemistry ng tropa.
“Only half of the team showed up because most of these guys are off season. So we need to bring them back early to get them back in shape,” ani Cone.
Nakatakdang umalis ang delegasyon sa Hunyo 23 upang makaagapay sa klima ng Auckland, New Zealand na venue ng unang laro ng Gilas.
Lalaruin ang laban ng Gilas at New Zealand sa Hulyo 3 habang sa Hulyo 6 naman ang laro nito kontra sa Australia na idaraos sa Perth.
“Masyadong malamig in Auckland right now. So we want to go down there a little early and try to catch up to the weather,” ani Cone.
- Latest





















