Driver ng motor-taxi arestado sa holdap, rape sa pasahero

MANILA, Philippines — Kalaboso ang isang 22-anyos na estudyanteng driver ng isang motorcycle ride-hailing app matapos ireklamo ng panghoholdap at panggagahasa sa isang babaeng pasahero sa Brgy. Mambaling, Cebu City noong Marso 13.
Sa report ng Cebu City Police, ang suspect ay isang 2nd year electrical technology student sa isa sa mga unibersidad ng lungsod na ito.
Base sa reklamo ng biktimang si Dianne, ‘di tunay na pangalan, nag-book umano siya ng motorcycle taxi noong madaling araw ng Marso 13 at kasalukuyan silang bumabagtas sa South Road Properties ng lungsod nang mapansin niyang hindi ang kaniyang nai-book ang kaniyang sinasakyan.
Ayon kay Dianne, pansamantalang tumigil sa lugar ang nasabing driver at nagdahilan na naiihi pero pagbaba nito sa motorsiklo ay tinutukan siya ng screwdriver saka nagdeklara ng holdap. Kinulimbat ang kanyang iPhone 11 na nagkakahalaga ng P20,000 at P2,500 cash pero hindi pa nakuntento ang suspek ay hinatak pa siya sa madilim na lugar saka ginahasa.
Anang biktima, habang nagpapagasolina ang suspect sa Brgy. San Roque, nagawa niyang makuha ang plaka ng motorsiklo hanggang sa abandonahin siya sa isang lugar kaya agad niyang inireport ito sa Mambaling Police Station 11.
Sa follow-up operation kamakalawa, nagawang masundan ng pulisya ang suspek gamit ang Global Positioning System (GPS) na nakakabit sa motorsiklo at natunton ang pinagtataguan sa Transcental Highway sa Balamban, Cebu.
Naaresto ang suspek at nabawi ang cellphone ng biktima pero nagasta na niya ang P2,500 cash na kanyang kinulimbat.
- Latest