Gary V, tuloy ang misyon sa mga batang may emotional struggles

Hindi talaga nauubusan ng energy si Mr. Pure Energy Gary Valenciano!
Ngayong Sabado, Nov. 28, mga taga-Bacolod naman ang makakasaksi sa kanyang kakaibang energy sa isang Inspired concert sa University of Saint La Salle Coliseum sa ganap na 7:30 p.m.
Matapos libutin ang North America, Australia at New Zealand, at magtanghal sa Nueva Ecija at Baguio, dadalhin nga ni Gary sa City of Smiles ang kanyang matagumpay na concert.
Higit pa sa isang concert, selebrasyon din ang Inspired ng buhay, pag-ibig, pamilya, pananampalataya at pag-asa.
Napakaabala nga ni Gary nitong mga nakaraang buwan.
Noong October ay nagbalik siya sa Music Museum para sa kanyang Back At The Museum concert series na umabot sa 10 matagumpay na shows. Sa kabuuan, nakapagtanghal na siya ng 114 solo concerts sa naturang venue.
Kamakailan ay pinarangalan din siya ng Philippine Association of the Record Industry (PARI) sa Awit Awards ng Dangal ng Musikang Pilipino – Best Concert Artist of the Year Award.
Kasunod ito ng kanyang natanggap na SUDI National Music Award mula sa National Commission for Culture and the Arts (NCCA) para sa Best in Creative Performances.
Bukod sa kanyang mga concert, patuloy ring umaarangkada ang weekly inspirational podcast niyang Unshaken with Gary V. May 26 episodes na ang podcast na kinatampukan nina Coco Martin, Julia Montes, Toni Gonzaga, James Reid, Michael V, Gloc-9, Ogie Alcasid, Congressman Chel Diokno, Senator Kiko Pangilinan, mga anak niyang sina Paolo, Gabriel at Kiana, at maging si President Ferdinand Marcos Jr., among others.
Patuloy rin si Gary sa kanyang adbokasiyang Face2Face, na layuning matulungan at mabigyan ng pag-asa ang mga kabataang Pinoy na dumaraan sa mental health at emotional struggles.
Umabot na rin sa 75 schools nationwide ang naturang programa. Kabilang sa mga aktibidad nito ang pagbisita sa STI West Negros University noong Nov. 26 at sa University of Saint La Salle sa Nov. 27.
Maalalang nagtanghal din siya sa dalawang ASEAN events — ang ASEAN Business Awards and Partnerships Gala noong Nov. 15 at ang ASEAN Business Investments Summit noong Nov. 17. Bahagi ng kanyang mga pagtatanghal ang Love In Any Language at ang finale number na Together In Motion, kasama sina Julie Anne San Jose at SB19.
Sa kabila ng ilang dekada na niya sa industriya, at kasabay ng pagdiriwang ng ika-40 anibersaryo ng kanyang management company, wala pa ring kupas ang husay, energy at dedikasyon ni Gary sa pagbibigay-saya at inspirasyon sa mga Pilipino.
At ngayong Sabado, mga taga-Bacolod naman ang kanyang makakasama!
Ang Kalipay Negrense Foundation, isang non-government organization na tumutulong sa pagsagip, rehabilitasyon at muling pagsasama sa komunidad ng mga batang nangangailangan, ang nagdadala ng naturang concert sa Bacolod.
May mabibili pang tickets sa SM North Wing, katabi ng Krispy Kreme. Maaari ring makipag-ugnayan kay Earl sa 09952422382.
- Latest
























