VP Sara, walang mana o loan para sa P817.87 milyon

MANILA, Philippines – Inihayag ni House prosecution Spokesman at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong na wala umanong rekord ng mana mula kay dating Pangulong Rodrigo Duterte o sa sinumang miyembro ng kanilang pamilya habang wala ring loan o utang si Vice President Sara Duterte para ipaliwanag ang pinagmulan ng P817.87 milyong paglobo ng kayamanan nito.
Ito ay matapos na mabigo ang mga testigo ng defense team na kontrahin ang rekord ng prosekusyon sa pinansyal tulad ng mga lehitimong negosyo, dividends o tubo sa investments, loans, at kita ng ari-arian.
“Itong witnesses na po ang dinala ng depensa at wala sa kanila ang nagpakita man lang ng isang dokumento ng negosyo, dibidendo, investment, loan, mana o bentahan ng property na magpapaliwanag sa 817.87 million [pesos],” paliwanag ni Adiong.
Sinabi ni Adiong na ang isyu ay kung talaga bang legal na kinita ni VP Duterte at mister nitong si Atty. Manases “Mans” Carpio ang nasabing halaga sa kanilang negosyo, investments ay dapat na ipaliwanag nila ito at suportahan ng mga ebidensyang dokumento.
Sa pagtaya ng witness ng prosekusyon na si forensic accounting expert Atty. Alexander Cabrera tinukoy nito na tinatayang aabot sa P817.874,867 milyon ang hindi maipaliwanag na kayamanan ni VP Duterte mula 2022 hanggang 2025 base sa bank rekords, tax documents, corporate filings at Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALNs).
Kabilang din sa sinuri ni Cabrera ay ang hindi naideklarang cash, kita, mga ari-arian, at mga negosyong iniuugnay sa mag-asawa ni VP Duterte at Carpio.
- Latest
















