Obrero, ‘di nakalabas sa nasusunog na bahay, utas
MANILA, Philippines — Namatay ang isang 36-anyos na lalaki nang ito ay hindi nakalabas sa nasusunog niyang bahay naganap sa Sta. Mesa, Maynila, nitong Sabado.
Ang biktima na tubong Laguna ay nagtatrabaho sa isang logistics company.
Sa ulat ng Manila Bureau of Fire Protection (BFP), alas-4:20 ng hapon nang magsimula ang sunog sa isang residential area sa Road 13, sa Sta. Mesa.
Umabot ng ikatlong alarma ang sunog, bago tuluyang naapula dakong alas-10:09 ng gabi.
Nabatid na kasalukuyang naka-off duty ang biktima at natutulog sa loob ng kanyang silid na nasa ikaapat na palapag ng bahay nang sumiklab ang sunog.
Maaaring malaki na umano ang sunog nang magising ang biktima at tinangka pang makalabas ng bahay ngunit tuluyan na itong na-trapped sa loob.
Natagpuan na lamang umano ang bangkay nito sa ground floor ng tahanan.
Bukod sa biktima ay wala nang naitala ang mga otoridad na nasaktan o nasugatan sa sunog na aabot sa 250 pamilya ang nawalan ng tirahan.
Patuloy na iniimbestigahan ng BFP ang sanhi ng sunog, gayundin ang halaga ng mga ari-ariang tinupok nito.
- Latest















