‘Utak’ ng casino junket scam, kulong ng 16 taon

MANILA, Philippines — Hinatulan ng hanggang 16 taong pagkabilanggo ang tingauriang utak ng casino junket investment scam na nangako ng malaking buwanang kita sa mga investor.
Sa 40-pahinang desisyon na inilabas noong November 9, hinatulan ni Parañaque Regional Trial Court Branch 296 Judge Redelyne H. Addug-Sanchez si Hector Aldwin Liao Pantollana, 35, ng kasong estafa sa ilalim ng Article 315 ng Revised Penal Code, kaugnay ng Presidential Decree 1689. Pinatawan siya ng pagkakabilanggo mula 10 taon at isang araw hanggang 16 taon at isang araw sa bawat kaso.
Inatasan din si Pantonilla na bayaran ng P9 milyon ang mag-asawang Adolfo at Elnora Daroy at P4 milyon naman sina Miguel Gubaton Jr. at anak nitong si Michael, bukod pa sa anim na porsiyentong interes kada taon.
Naloko umano ang mga biktima ng Horizons Players Club na pinamumunuan ni Pantollana, nang mangakong magbibigay ng hanggang limang porsiyentong tubo kada buwan mula sa casino junket operations.
Sa hiwalay na kasong isinampa ni Johanna Rivera Cruz, pinawalang-sala si Pantonilla ng korte sa “syndicated estafa” dahil hindi napatunayang may hindi bababa sa limang taong sangkot sa umano’y sabwatan. Gayunman, inatasan pa rin siyang bayaran si Cruz ng P2 milyon bilang civil damages, kasama ang anim na porsiyentong interes kada taon.
Unang nadakip si Pantollana sa Bali, Indonesia noong Nob. 2024 habang papasakay ng eroplano patungong Hong Kong at agad ipina-deport sa Pilipinas at ikinulong sa Anti-Organized Crime facility sa Camp Crame. Nahaharap din siya sa dose-dosenang kahalintulad na kaso sa Baguio City at iba pang korte sa bansa.
Nananatili namang “at large” at may “alias warrant of arrest” ang lima pang akusadong kasabwat ni Pantollana na sina Virgilio Martin A. Casupanan, Christian Joseph Quinzon, Paolo Trelestad Galenzoga, Reymond Lacsamana Galang at Daniel Tomalabcad Agbisit.
- Latest



















