Shooting incidents sa PRO6, kalahati ang ibinaba!
LIGTAS na maglakad sa mga kalye sa Western Visayas!
“Yan mga kosa ay dahil sa pagwalis ni PRO6 director Brig. Gen. Randulf Tua?o ng mga baril sa 3389 na barangay sa buong kapuluan. Dahil nasa kustodiya na ng mga pulis ang mga baril, natural lang mga kosa na bumaba ng 52.38 posiyento ang shooting incidents sa Western Visayas. Mismooooo!
Inamin naman ni Tua?o na ang pinaigiting na kampanya laban sa loose firearms ang pangunahing dahilan upang bumaba ng mahigit 50 porsiyento ang shooting incidents sa kanyang sakop. Get’s n’yo mga kosa?
“Mula nang ilunsad natin ang Project RTT 3389, nakita natin ang pagbaba ng shooting incidents sa Western Visayas,” ayon kay Tua?o.
“Ito mismo ang layunin ng ating kampanya—ang mabawasan ang mga loose firearms sa ating mga komunidad upang maiwasan ang pamamaril at iba pang karahasan. Ang resulta ay nagpapakita na may magandang direksyong tinatahak ang ating mga programa,” ang pahayag pa ni Tuaño. Hehehe! Kelangan pa bang i-memorize ‘yan?
Ayon pa sa Regional Director, mahalagang papel ang aktibong partisipasyon ng mga lokal na pamahalaan, barangay officials, at mamamayan na tumugon sa panawagan ng PRO6, sa kanilang accomplishment.
“Hindi natin makakamit ang mga resultang ito kung walang pakikiisa ang ating mga LGU, barangay officials, at mamamayan. Ang bawat baril na boluntaryong isinusuko ay isang potensyal na panganib na naaalis sa ating mga komunidad,” ang saad pa ni PRO6 director.
“ Sa pamamagitan naman ng Project TALA, mas napapalakas natin ang accounting at monitoring ng mga baril na may expired na rehistro,” ang dagdag pa niya.
Batay sa datos ng PRO6, mula sa 21 shooting incidents noong Agosto, bumaba ang bilang sa 16 noong Setyembre at 10 noong Oktubre. Katumbas ito ng 11 insidente o 52.38 porsiyentong pagbaba sa loob ng dalawang buwan. Wow na wow! Hehehe! Kanya-kanyang gimik lang ‘yan!
Pagsapit ng Setyembre 25, umabot na sa 3,583 loose firearms ang boluntaryong naisuko sa ilalim ng RTT 3389, sa pakikiisa ng lahat ng 3,389 barangay sa rehiyon. Nadagdagan pa ito ng 430 firearms mula Oktubre hanggang Nobyembre 4, kaya’t umabot sa 4,013 ang kabuuang boluntaryong naisukong baril.
Mga kosa, walang kokontra ha? Abangan!
- Latest


















