Mag-ina patay sa sunog sa Caloocan

MANILA, Philippines — Patay ang mag-ina habang sugatan ang padre de pamilya at isa pa nilang anak nang masunog ang kanilang bahay sa Velasco St., Barangay 7, Caloocan City, kahapon ng madaling araw.
Kinilala ang mga nasawi na isang 50-anyos na ina at 8-anyos nitong anak. Sugatan naman ang 49-anyos na ama at 13-anyos nilang anak na lalaki matapos magtamo ng mga sugat habang tumatakas sa nasusunog na bahay.
Batay sa inisyal na imbestigasyon ng Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog dakong alas-3:15 ng madaling araw sa bahay ng kaanak ng mga biktima sa 104 Velasco St. Rumesponde ang nasa 25 firetruck, kabilang ang mga volunteer, ngunit hindi na nakalabas nang buhay ang mag-ina. Natagpuan ang isa sa mga bangkay sa ikalawang palapag habang ang isa naman ay nasa unang palapag matapos bumagsak ang sahig ng bahay.
Umabot sa limang bahay ang natupok sa sunog na naapula dakong alas-4:46 ng umaga at idineklarang fire out alas-5:25. Mahigit 70 residente ang tinulungan ng Caloocan City Social Welfare and Development Department (CSWDD) at pansamantalang inilikas sa covered court ng Barangay 7. Tiniyak ni Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang funeral at burial assistance sa pamilya, habang nabigyan na rin ng tulong medikal ang dalawang sugatan na kapwa nasa ligtas nang kondisyon sa Caloocan City Medical Center. Patuloy pang iniimbestigahan ang sanhi ng sunog at halaga ng napinsalang ari-arian.
- Latest






















