Huling tagayan ng Ginebra at SMB
MANILA, Philippines — Isa lang sa mag-utol na Barangay Ginebra at San Miguel ang maghahamon sa nagdedepensang TNT Tropang 5G sa best-of-five semifinals series ng Season 50 PBA Governors’ Cup.
Pag-aagawan ng Gin Kings at Beermen ang semifinal berth sa Game Five ng kanilang quarterfinals duel ngayong alas-7:30 ng gabi sa Ynares Center sa Antipolo City.
Itinagay ng Ginebra ang Game One, 104-95, at Game Two, 126-99, habang nilagok ng San Miguel ang Game Three, 101-98, at Game Four, 108-102, para itabla sa 2-2 ang kanilang serye.
Sa Game Four, bumangon ang Beermen mula sa 44-61 pagkakabaon sa paghuhulog ng isang 22-0 bomba sa third period para lasingin ang Gin Kings.
Ang 18 points dito ay galing kay import George King, habang may 13 markers ang 41-anyos na si veteran point guard Chris Ross.
“They won two straight we won two straight. We’re on to a decider. That’s usually how it goes when we play Ginebra. When we play Ginebra we go to a Game 6 or 7,” ani ng 12-time champion. “We’re excited to play in the next game.”
Inasahan na ni Gin Kings coach Tim Cone ang malakas na pagresbak ng Beermen ni mentor Leo Austria matapos mabaon sa 0-2 sa serye.
“They’re a great team. We knew they’re gonna come back and they comeback a little bit harder than we thought they would,” wika ng 62-anyos na two-time PBA Grand Slam champion coach.
“Bottom line is, tied up 2-2. We move forward and get ready for Game 5,” dagdag nito.
Winalis ng TNT ang Magnolia, 3-0, sa kanilang quarterfinal series papasok sa semifinals kung saan nila lalabanan ang sinuman sa Ginebra at SMB.
- Latest























