Bennie Boatwright makakalaro na sa Gilas

MANILA, Philippines — Sa wakas makapaglalaro na si naturalized player Bennie Boatwright suot ang Gilas Pilipinas jersey.
Ito ang kinumpirma ni Gilas Pilipinas coach Tim Cone kung saan inaasahang masisilayan si Boatwright sa fifth window ng FIBA World Cup 2027 Asian Qualifiers.
Lalarga ang qualifiers sa Kuala Lumpur sa Malaysia.
Kasalukuyang naglalaro si Boatwright para sa Fujian Sturgeons sa Chinese Basketball Association.
Binigyan ito ng go signal na makapaglaro sa FIBA window kung saan makakasama nito ang Gilas sa Nobyembre 23.
Malaking tulong si Boatwright lalo pa’t hindi pa naglalaro si naturalized player Justin Brownlee dahil sa iniinda nitong injury.
Kaya naman inaasahang mas lalong lalakas ang Gilas Pilipinas sa oras na umarangkada ito sa dalawang krusyal na laro sa fifth window.
Unang makakalaban ng Gilas ang Syria sa Nobyembre 27 kasunod ang Iran sa Nobyembre 30.
Magsisimula ang pukpukang ensayo ng Gilas Pilipinas sa Nobyembre 20.
Kailangan ng Gilas Pilipinas na makalikom ng panalo upang umangat sa standings sa Group E.
Hawak ng Gilas ang 4-4 rekord para sa ikalimang puwesto habang nangunguna ang Australia na may malinis na 8-0 marka.
Pumapangalawa ang New Zealand na may 6-2 kartada kasunod ang Iran at Jordan na may parehong 5-3 rekord. Kulelat ang Syria na may 2-6 baraha.
- Latest

















