16-anyos kasama sa kama Stepdaughter, sobrang clingy sa ama
Dear Dr. Love,
Nag-asawa ako ng isang biyudong afam na may 16-anyos na anak na babae. Maayos naman ang pakikitungo niya sa akin at wala kaming malaking problema.
Ang tanging bumabagabag sa akin ay hanggang ngayon ay gusto pa rin niyang matulog sa kuwarto ng kanyang daddy. Kahit may sarili siyang silid, mas gusto pa rin niyang katabi ang ama sa pagtulog. Dahil dito, kahit kasal na kami ng mister ko, tatlo kaming magkakasama sa iisang kama.
Ayon sa kanya, nasanay na raw siyang katabi ang kanyang daddy mula nang pumanaw ang kanyang mommy limang taon na ang nakalilipas. Kaya naman maging sa mga biyahe namin sa ibang bansa, iisang malaking kuwarto pa rin ang kinukuha namin dahil gusto niyang sumama sa amin.
Wala namang sinasabi ang mister ko tungkol dito at tila iniisip niyang nauunawaan ko ang sitwasyon. Hindi rin naman ako nagre-reklamo, pero pakiramdam ko ay hindi na ito angkop para sa isang 16-anyos na dalagita. Minsan tuloy ay naiisip ko kung nagseselos ba siya sa akin bilang bagong asawa ng kanyang daddy.
Ano po ba ang dapat kong gawin?
Celia
Dear Celia,
Malamang na naging napakalapit ng mag-ama matapos pumanaw ang kanyang ina. Sa loob ng limang taon, sila lamang ang pangunahing magkasama at nagsandalan sa isa’t isa, kaya hindi nakapagtatakang hirap pa siyang kumawala sa nakasanayang setup.
Sa halip na isipin na karibal ka niya sa pagmamahal ng kanyang ama, mas mabuting tingnan mo ito bilang epekto ng kanyang pagdadalamhati at takot na muling mawalan ng taong mahalaga sa kanya.
Subukan mong mas palalimin ang inyong samahan. Ipadama mo na hindi mo siya inaagawan ng ama kundi nadaragdagan pa ang mga taong nagmamahal sa kanya.
Sa paglipas ng panahon at sa pagbuo ng mas matibay na tiwala sa inyong bagong pamilya, ma-laki ang posibilidad na kusa rin siyang magiging handa na matulog nang mag-isa sa sarili niyang kuwarto.
Maging matiyaga ka lamang at maunawain. Darating din ang tamang panahon na matutunan niyang maging independent habang nananatiling buo ang pagmamahalan ng inyong pamilya.
Dr. Love
- Latest
















