Estudyante utas sa bumukas na engine cover bus

MANILA, Philippines — Nasawi ang isang 20-anyos na college student matapos tamaan nang biglang bumukas na engine hood cover o takip ng makina ng isang pampasaherong bus habang naghihintay ng masasakyan sa gilid ng Maharlika Highway Barangay Tagbakin, Atimonan, Quezon, kamakalawa ng madaling araw.
Batay sa ulat ng Atimonan Municipal Police Station, alas-12:15 ng madaling araw nang mangyari ang trahedya.
Lumalabas sa imbestigasyon na ang biktima na si alyas “Toto” ay nakatayo sa tapat ng isang fast food restaurant para mag-abang ng bus patungong Maynila.
Dito ay dumaan ang isang pampasaherong bus nang biglang bumukas at natanggal ang kanang bahagi ng engine cover nito.
Sa bilis ng takbo ng bus, napakalakas ng naging pagkakatama ng takip sa biktima na naging dahilan upang tumilapon ito ng ilang metro at magtamo nang matitinding pinsala sa katawan. Agad na isinugod ang estudyante sa Doña Marta Hospital, subalit idineklara na itong dead-on-arrival ng doktor.
Ayon kay Atimonan Police chief Maj. Allan Hernandez, sinabi ng driver na hindi nito napansin na bumukas ang takip ng engine compartment habang bumabyahe patungong Maynila.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng pulisya ang bus driver na si Mando, 56 ng Barangay Angeles, Atimonan, Quezon at nahaharap sa reklamong Reckless Imprudence Resulting in Homicide.
Noong nakaraang buwan, nasawi rin ang isang lalaking nagjo-jogging sa bayan ng Guinayangan matapos tamaan ng bumukas na takip ng compartment ng isang bus.
- Latest
















