Pagawaan ng paputok, sumabog: 5 todas
MANILA, Philippines — Patay ang limang katao kabilang ang 7-anyos na batang babae habang dalawa ang nasugatan nang sumabog ang illegal na pagawaan ng paputok na lumikha ng sunog sa Brgy. Tabo Sili, bayan ng Malasiqui, Pangasinan nitong Miyerkules ng gabi.
Kabilang sa mga nasawi na pawang nasunog ay isang 15-anyos na batang babae, isang 15-anyos na batang lalaki na nagutay ang katawan at dalawa lalaki na nagkakaedad 24 at 26-anyos habang ang 7-anyos na batang babae na malubhang nasugatan ay binawian ng buhay sa pagamutan.
Sa ulat ni P/Lt. Col. Francisco Sawadan Jr., hepe ng Malasiqui Municipal Police Station (MPS) bandang alas-7:45 ng gabi nang makarinig ng malakas na pagsabog ang mga residente ng nasabing barangay mula sa illegal na pagawaan ng paputok bunsod upang magresponde sa lugar ang mga tauhan ng Malasiqui MPS at Bureau of Fire Protection (BFP).
Ayon sa mga residente, sunud-sunod na malalakas na pagsabog ang kanilang narinig sa lugar na inakala pa nilang maagang praktis sa selebrasyon ng pagsalubong sa Bagong Taon dahilan sa mga pailaw na pumailanglang sa himpapawid.
Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang 35-anyos na may-ari ng illegal na pagawaan ng paputok at isang 13-anyos na batang lalaki.
Sa lakas ng pagsabog ay napinsala rin ang isang Toyota Hilux pickup truck, isang tricycle, at isang motorsiklo.
Sa pahayag ng mga opisyal ng barangay hindi nila batid na ang abandonadong bakery ay ginawang pagawaan ng illegal na paputok.
Patuloy ang imbestigasyon upang alamin ang dahilan ng pagsabog.
- Latest
















