Update antas ng tubig sa mga dam
MALOLOS CITY, Bulacan, Philippines — Naglabas ng ulat ang Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) ng Bulacan hinggil sa kasalukuyang antas ng tubig sa mga pangunahing dam sa lalawigan.
Batay sa datos na inilabas ng tanggapan, nasa 208.77 metro ang water level ng Angat Dam, habang 100.19 metro naman sa Ipo Dam at 15.80 metro sa Bustos Dam, batay sa tala noong Nobyembre 4.
Sa parehong ulat, walang naitalang pagbaha sa mga mino-monitor na munisipalidad at wala ring naiulat na bagong rainfall record sa kanilang monitoring system.
Patuloy namang mino-monitor ng mga kinauukulang ahensiya ang kondisyon ng mga dam at mga daluyan ng tubig upang maagapan ang anumang posibleng panganib sa mga komunidad.
Pinapayuhan ang mga residente, lalo na ang mga nakatira malapit sa mga ilog at mabababang lugar, na manatiling mapagmatyag at makinig sa mga opisyal na anunsiyo ng lokal na pamahalaan.
Patuloy na isinusulong ng PDRRMO ang maagap na pagbabantay at paghahanda upang maprotektahan ang buhay at kabuhayan ng mga mamamayan ng Bulacan.
- Latest

















