Koreano, hinoldap ng 3 nagpanggap na MC riders
MANILA, Philippines — Isang turistang Koreano ang hinoldap ng tatlong lalaki na nagpanggap na motorcycle riders sa Macapagal Boulevard, Barangay Tambo, parana ue City noong gabi ng Sabado, Oktubre 31.
Sa ulat ng pulisya, alas-9:15 ng gabi nang makarinig ng putok ng baril ang mga nagpapatrulyang tauhan ng Parañaque Police at inabutan ang isa sa tatlong suspek at naaresto ito.
Ang biktima ay isang 46-anyos na Koreano habang ang suspek na naaresto ay isang 30-anyos, residente ng Sta. Cruz, Maynila habang ang dalawa nitong kasama ay nakatakas tangay ang bag ng biktima.
Bago ito, sinundan ng tatlong suspek na nakabuot ng kulay blue na long sleeve shirt na may tatak ng MC hailing app company ang naglalakad na biktima para bumili ng pagkain nang agawin ang kanyang bag, na nauwi sa pakikipagbuno.
Sa pagpalag ng biktima ay nagpaputok ng baril ang isa sa suspek kaya napilitang ibigay ang bag.
Nagawa pa umanong itulak ng biktima ang motorsiklo na natumba ng naiwang suspek kaya hindi ito nakatakas.
Bigong marekober ang bag na naglalaman ng tinatayang P12,000 cash, pasaporte, at hotel keycard at nakumpiska ang kalibre 9.mm baril at ang gamit na motorsiklo na may lamang mga bonnet, helmet, sapatos at uniporme ng ride-hailing apps at mga pekeng plate numbers.
Ayon sa pulisya, napag-alamang binili lamang online ang mga uniporme at pekeng plaka rin ang gamit ng kanilang motorsiklo.
Sa beripikasyon ng pulisya na ang nadakip na suspek ay nasangkot na umano sa tatlong insidente ng carnapping at kasong rape.
- Latest















