Batang After Seven wagi sa Special race
MANILA, Philippines — Hindi binigo ng Batang After Seven ang kanyang mga tagahanga matapos sikwatin ang korona sa 2026 MMTCI Pre-Halloween Special race kahapon sa Metro Turf, Malvar sa Tanauan City, Batangas.
Mabilis na kumaripas papalabas ng aparato ang Raven upang hawakan agad ang unahan sa simula ng karera, nasa pangalawa ang Streisand at pangatlo ang liyamadong Batang After Seven.
Pagsapit sa kalagitnaan ng karera ay nasa unahan pa rin ang Raven, lamang ng tatlong kabayo sa pumapangalawang Streisand subalit unti-unting lumalapit ang Batang Arter Seven.
Kaya pagdating ng far turn ay magkapanabayan na sa unahan ang Raven at Batang After Seven, hinihingal naman sa pangatlo ang Streisand sa karerang suportado ng Philippine Racing Commission.
Lalong bumangis ang Batang After Seven sa huling kurbada matapos maagaw ang bandera sa Raven at sa rektahan ay nasa dalawang kabayo na ang agwat sa mga humahabol na Giselle’s Knight at Go Gee Go.
Tinawid ng Batang After Seven ang meta na may dalawa’t kalahating kabayong agwat sa Giselle’s Knight, tersero ang Go Gee Go at pang-apat ang Ma’am Gen.
Ginabayan ni jockey Ronald Baldonido, inirehistro ng Batang After Seven ang tiyempong 1:28.8 minuto sa 1,400 meter race sapat upang hamigin ni winning horse owner Faustino Datu ang P210,000 premyo.
Nakopo ng pumangalawang Giselle’s Knight ang P78,750, habang may P43,750 at P17,500 ang third at fourth placers na Go Gee Go at Ma’am Gen, ayon sa pagkakasunod.
- Latest

















