Enjoy lang, lahat tayo pwedeng maging santo
Akala ng marami, ang santo ay ‘yung nasa altar lang. Naka-aura, seryoso, hindi nagkakamali, laging nakaluhod.
Kung ganon, naku, wala na tayong pag-asa!
Pero ang totoo? Ang mga santo, dati ring katulad natin! Makulit, mainitin ang ulo, mahina, nagkakamali, takot, pero nag-Enjoy Lang sa pagmamahal ng Diyos!
Si San Pedro? Bulyawero at itinanggi pa si Hesus nang tatlong beses!
Si San Pablo? Dating galit at taga-usig ng mga Kristiyano!
Si San Agustin? Dating playboy, sabi pa niya, “Lord, make me chaste, but not yet!”
Si Santa Teresita? Laging inaantok sa dasal!
Pero silang lahat, naging santo. Bakit? Kasi hindi sila perpekto, pero nagpakatotoo at nagmahal nang lubos.
Ano ba ang sabi ng Bibliya at ng Simbahan?
Sabi sa Levitico 19:2: “Magpakabanal kayo, sapagkat Ako, ang Panginoon ninyong Diyos, ay banal.”
At sa Mateo 5:48: “Maging ganap kayo, gaya ng inyong Amang nasa langit.”
Ito ang doktrina natin bilang Katoliko: Universal Call to Holiness. Lahat tayo tinawag na maging santo!
Ayon sa Lumen Gentium ng Vatican II, hindi lang pari at madre ang tinawag sa kabanalan - lahat ng binyagan! Maging nanay, tatay, driver, tindera, estudyante, OFW, lahat!
Ang santo, hindi ‘yung walang kasalanan, kundi ‘yung bumabangon sa bawat kasalanan at patuloy na nagmamahal. Ang kabanalan ay hindi contest ng pagiging perpekto, kundi araw-araw na desisyon na magmahal.
Kaya ikaw na nagbabasa nito sa Pilipino Star Ngayon, oo ikaw - tinawag kang maging santo!
Ano ba ang sabi ng Psychology?
Sabi ng psychology, lahat tayo may tinatawag na role models. Kailangan natin ng inspirasyon.
Ang mga santo/santa ang pinakamagandang psychological models natin. Bakit?
Dahil hindi sila malayo. Tao sila. Naka-experience ng anxiety, depression, rejection, failure. Pero nalagpasan nila dahil sa dalawang bagay: Faith and Resilience.
Kapag may santo kang ka-barkada, hindi ka nawawalan ng pag-asa. Kung kinaya ni San Pedro na naging duwag, kaya mo rin. Kung kinaya ni Santa Maria Magdalena na nagbago, kaya mo rin.
Hindi mo kailangang maging si St. John Paul II agad. Magsimula ka sa maliit - ngumiti kahit pagod, magpatawad kahit masakit, magdasal kahit antok.
Kaya....Enjoy lang, lahat tayo pwedeng maging santo!
Hindi mo kailangang lumipad o mag-milagro. Maging mabait ka lang araw-araw, santo ka na sa mata ng Diyos at ng pamilya mo.
Sa langit, walang VIP. Lahat tayo may reserbang upuan. Basta nag-Enjoy Lang sa paggawa ng mabuti.
Panalangin sa Araw ng mga Santo/Santa
Panginoon, salamat po sa lahat ng mga Banal sa langit - sa kanilang halimbawa ng kabanalan.
Alam ko pong mahina ako at makasalanan, pero tulad nila, nais ko rin pong maging banal.
Tulungan N’yo po akong maging santo sa aking tahanan, sa aking trabaho, at sa aking kapwa.
Hindi man po ako perpekto, turuan N’yo po akong magmahal nang tapat, at mag-Enjoy Lang sa Iyong pagpapala. Amen.
San Pedro, San Pablo, San Lorenzo Ruiz, San Pedro Calungsod, St. Therese of the Child Jesus, Mama Mary, lahat ng mga Santo/Santo sa langit, ipanalangin n’yo kami! Amen.
- Latest

















