La Salle at Ateneo mag-uupakan

MANILA, Philippines — Mag-uunahan ang defending champion De La Salle University at Ateneo de Manila University sa pagsilo ng three-game winning streak sa salpukan nila sa UAAP Season 89 men’s basketball tournament sa Smart Araneta Coliseum.
Parehong galing sa dalawang sunod na panalo ang Green Archers at Blue Eagles para sa parehong 5-4 karta at kasalukuyang magkasosyo sa No. 3 spot.
Kaya tiyak na maghihiwalay ang kanilang landas ngayong alas-6 ng gabi.
Nahirapan ang Ateneo sa huli nilang laro matapos paamuhin ang mabangis na National University, 69-65, sa likod nina Kiefer Alas at Jared Bahay.
Paniguradong ipaparada ulit ng Blue Eagles sina Alas at Bahay upang masikwat ang panalo at manatiling malakas ang tsansang makabalik sa Final Four matapos ang dalawang taong pagkawala.
Impresibo naman ang huling laban ng Green Archers nang panain nila ang University of Sto. Tomas Growling Tigers, 92-80, tampok si Jan Clement Macalalag na kumamada ng career-high 28 points.
Samantala, magkakalmutan sa alas-2:30 ng hapon ang Bulldogs at Growling Tigers.
Pakay ng NU na makabangon mula sa pagkakadapa upang manatili malakas ang kapit sa top spot mula sa kanilang 6-3 baraha, habang may 4-5 karta ang UST.
- Latest



















