Manas minalas sa Qatar 10-Ball finals
MANILA, Philippines — Ibinuhos ni Pinoy cue artist Albert James “AJ” Manas ang lahat ng nalalaman sa pagpapaikot ng bola pero kinapos pa rin laban kay Joshua Filler ng Germany, 6-13, sa finals ng 2026 Qatar World Cup 10-Ball sa Ezdan Palace Hotel sa Doha.
Nakasabay sa simula ang 19-anyos na si Manas kay Filler sa unang anim na racks para makatabla sa 3-3.
Subalit nangibabaw ang karanasan ng 29-anyos na si Filler at nakuha ang sumunod na pitong racks upang umabante sa 10-3.
Matapos magpakitang-gilas sa mga nakaraang round sa pamamagitan ng mga comeback wins laban kina Hsieh Chia Chen at Daniel Maciol, natapyas ni Manas sa apat ang lamang ng German cue master.
Ang isang dry break sa sumunod na rack ang nagpahinto sa ratsada ni Manas, kaya mabilis itong sinamantala ni Filler upang magpakawala ng tatlong sunod na panalo at masungkit ang korona.
Inuwi ni Filler ang premyong $100,000 (P6.3 milyon), habang kumubra si Manas ng $40,000 (P2.3 milyon).
Ito ang kauna-unahang major solo final ni Manas at ang pinakamalaking premyo na kanyang nakuha matapos mag-uwi ng $36,000 noong nakaraang taon.
- Latest






















