High Speed Hitters pakay back-to-back wins kontra Thunderbelles
MANILA, Philippines — Kokonekta ang PLDT sa kanilang ikalawang sunod na panalo laban sa ZUS Coffee na determinadong makasampa sa win column ng 2026 Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference Siklab leg.
Lalabanan ng High Speed Hitters ang Thunderbelles ngayong alas-3:30 ng hapon kasunod ang upakan ng Creamline Cool Smashers at Capital1 Solar Spikers sa alas-6 ng gabi sa Santiago Sports Arena sa City of Santiago, Isabela.
Magkasosyo sa liderato ang Creamline at Nxled hawak ang magkatulad na 3-0 record kasunod ang Choco Mucho (3-1), Farm Fresh (2-2), Akari (2-2), Capital1 (2-2), PLDT (1-2), ZUS Coffee (0-3) at Galeries Tower (0-4).
Hinataw ng High Speed Hitters ang unang panalo sa torneo mula sa 21-25, 25-21, 25-21, 25-21 paggupo sa Solar Spikers.
Nauna silang natalo sa Chameleons at Chargers.
“We had to focus on our side first. I feel our game is solely our game and we have to control whatever comes our way,” sabi ni Fil-Canadian Savi Davison na nagtala ng triple-double na 28 points, 10 excellent digs at 18 receptions para sa una nilang panalo.
Muli niyang makakatuwang sina Kim Kianna Dy, Majoy Baron, Mika Reyes, Alleiah Malaluan, setter Kim Fajardo at libero Kath Arado.
Nagmula naman ang Thunderbelles sa 19-25, 25-16, 24-26, 17-25 pagyukod sa Cool Smashers.
- Latest

















