Wanted na Korean tiklo sa operasyon ng illegal gambling ‘
MANILA, Philippines — Inaresto ng Bureau of Immigration (BI) ang isang 41-anyos na South Korean national na wanted sa kanyang bansa dahil sa umano’y ilegal na operasyon ng online game servers na may kaugnayan sa pagsusugal.
Kinilala ang suspek na si Lee Seunghyun, na dinakip noong Oktubre 13 sa Barangay Western Bicutan, Taguig City, kasunod ng kahilingan ng gobyerno ng South Korea na ipa-deport siya.
Ayon sa BI, may warrant of arrest si Lee mula sa Busan District Court dahil sa umano’y paglabag sa Game Industry Promotion Act ng South Korea. Nasa Interpol Red Notice rin siya at naka-blacklist sa Pilipinas bilang pugante mula sa hustisya.
Batay sa imbestigasyon, pinatakbo umano ni Lee at ng kanyang mga kasabwat ang tatlong ilegal na online game servers sa Angeles City simula Enero 2019, kung saan kumita sila sa pagbebenta ng virtual currency sa mga manlalaro.
Kasalukuyang nakadetine si Lee sa pasilidad ng BI sa Taguig City habang hinihintay ang proseso ng deportasyon upang harapin ang mga kasong kinakaharap sa South Korea.
- Latest



















