EDITORYAL — Daming Pinoy, apektado ng natural disasters
AYON sa 2026 World Risk Poll ng Lloyd’s Register Foundation na isinagawa ng Gallup, apat sa bawat limang Pilipino ang nagsabing personal silang naapektuhan ng mga sakuna kaugnay ng natural disasters sa nakaraang limang taon.
Sa 140 na bansang sinurvey, Pilipinas ang may pinakamataas na bilang.
Sa Pilipinas, 1,000 katao ang ininterbyu ng Gallup mula Oktubre 2 hanggang Disyembre 5, 2025. Tinanong sila tungkol sa mga natural disasters na personal na nakaapekto sa kanila sa nakaraang limang taon.
Malaking numero ito, pero mas mahalagang tingnan kung ano ang sinasabi nito: para sa maraming Pilipino, ang natural disasters ay hindi na pambihirang pangyayari. Tila naging bahagi na ito ng regular na karanasan nang maraming komunidad. At hindi rin pare-pareho ang panganib sa bawat lugar.
Sa Visayas, 67 percent ang nagsabing naapektuhan sila ng mga bagyo, habang 59 percent naman sa mga lalawigan sa Luzon na nasa labas ng Metro Manila ang naapektuhan ng bagyo.
Sa Metro Manila, 44 percent ang naapektuhan ng bagyo at 39 percent ng baha. Sa Mindanao naman, lindol ang nakaapekto sa 44 percent ng respondents doon.
Ibig sabihin, hindi sapat ang isang national disaster plan na pare-pareho ang solusyon sa lahat.
Ang coastal community na madalas tamaan ng bagyo ay may ibang pangangailangan kumpara sa lungsod na palaging binabaha o sa lugar na mataas ang earthquake risk.
Dapat nakabatay dito ang evacuation plans, warning systems, resilient infrastructure, rescue equipment at paghahanda ng local governments.
Mahalaga rin ang national government sa pagbibigay ng pondo, standards at teknolohiya.
Pero sa aktuwal na sakuna, local communities ang unang naaapektuhan at local responders din ang unang tumutugon.
Lalo itong mahalaga habang may babala ng posibleng tagtuyot dulot ng El Niño. Ayon sa PAGASA, tatama ang El Niño mula Oktubre 2026 hanggang Marso 2027. Ngayon pa lamang, unti-unti nang nararamdaman ang bangis ng El Niño. Pinaiigting na ng pamahalaan ang paghahanda ukol dito.
Kung iba-iba ang panganib sa bawat rehiyon, dapat iba-iba rin ang paghahanda. Ang disaster resilience ay hindi dapat isang template para sa buong bansa, kundi planong nakabatay sa tunay na panganib ng bawat komunidad.
- Latest















