Traffic advisory sa Undas nilabas ng MPD
MANILA, Philippines — Nagpalabas na ang Manila Police District (MPD) ng traffic advisory kaugnay ng nalalapit na Undas kung saan mula Oktubre 30, 2026 hanggang Nobyembre 3, 2026 ay magpapatupad sila ng road closures sa ilang lansangan sa Maynila.
Kabilang dito ang kahabaan ng Blumentritt St. mula A. Bonifacio hanggang Aurora Boulevard; kahabaan ng Dimasalang mula Retiro St. mula Calavite St.; kahabaan ng Maceda mula Makiling St. hanggang Dimasalang St.; northbound lane ng Dimasalang Bridge; Aurora Boulevard kanto ng Leonor Rivera at Blumentritt Road kanto ng Leonor Rivera.
Kaugnay nito, sa ilalim naman ng traffic rerouting scheme ang lahat ng behikulo na magmumula sa Dimasalang Road at daraan ng Blumentritt Road ay maaaring kumanan sa Simoun St. patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Ang lahat naman ng sasakyan na magmumula sa Quezon City at daraan sa A. Bonifacio Avenue ay maaaring kumaliwa sa Labo St. hanggang sa kanilang point of destination.
Ang lahat naman ng sasakyan na mula sa Maceda St., na daraan ng Dimasalang St. o sa Retiro St. ay maaaring kumanan sa Simon St. patungo sa kani-kanilang destinasyon.
Ang mga sasakyan naman na magmumula sa Aurora Boulevard at daraan ng Dimasalang St. ay maaaring kumanan sa Leonor Rivera St. hanggang sa kanilang destinasyon.
Samantala, ang mga behikulo namang magmumula sa Blumentritt Road, na daraan sa Aurora Blvd. ay maaaring kumanan sa Leonor Rivera hanggang sa kanilang point of destination.
- Latest



















