DSWD, naglunsad ng water filtration system vs Super El Niño
MANILA, Philippines — Naglunsad ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) ng water filtration system sa Tondo, Maynila, upang matiyak ang pagkakaroon ng malinis na inuming tubig sa komunidad sa harap ng banta ng Super El Niño at inaasahang matinding tagtuyot.
Matatagpuan sa Brgy. 105, Zone 8 ang community-based water depot na nagsisilbing pilot project ng ahensiya. Ayon kay DSWD Assistant Secretary Leo Quintilla ng Resource and Logistics Management, layunin nitong maging modelo sa pagtatayo ng kaparehong pasilidad sa iba pang rehiyon upang mapalawak ang access ng mga residente sa malinis na tubig.
May kapasidad na 2,000 litro ang filtration unit at kayang magproseso ng tubig para sa isang 20-litro na lalagyan sa loob ng 20 minuto. Inaasahang makatutulong ito sa pagtugon sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mga residente, lalo na kung maapektuhan ang suplay ng tubig dahil sa tagtuyot.
Isinagawa ang proyekto sa pakikipagtulungan ng DSWD at non-government organization na Waves for Water Philippines, bilang bahagi ng paghahanda ng pamahalaan sa mga sakunang dulot ng pagbabago ng klima at pagtulong sa mga bulnerableng komunidad.
Kasabay ng paglulunsad, nagsagawa rin ng orientation at demonstrasyon upang maturuan ang mga residente sa wastong paggamit at pagpapanatili ng filtration system, gayundin sa tamang pagsasala at kalinisan ng tubig. Plano ng DSWD na palawakin ang programa sa iba pang bahagi ng bansa sa mga susunod na buwan.
- Latest
















