6 tiklo sa P39.7 milyong puslit na sigarilyo

MANILA, Philippines — Anim na kalalakihan ang inaresto ng mga otoridad sa tatlong magkakahiwalay na police operation sa Misamis Occidental, Zamboanga Sibugay at Zamboanga del Sur noong Oktubre 20-21 at nasamsam ang nasa P39.75 milyong halaga ng hinihinalang ipinuslit na sigarilyo.
Dalawang lalaki ang unang inaresto sa Brgy. Silanga, Tangub City, Misamis Occidental noong Oktubre 20, matapos masamsam ang isang truck na may kargang sigarilyong nagkakahalaga ng P6.49 milyon.
Kinabukasan, isa pa ang nadakip sa Brgy. Poblacion, Malangas, Zamboanga Sibugay, kung saan nakumpiska ang 100 master cases ng iba’t ibang sigarilyong nagkakahalaga ng tinatayang P5.73 milyon.
Sa ikatlong operasyon sa Purok Logpond, Old Labangan, Labangan, Zamboanga del Sur, tatlong lalaki na may edad 31, 38, at 40, ang inaresto matapos makumpiska ang 448 master cases ng mga sigarilyong walang kaukulang dokumento at may tatak na Modern.
Nasabat ang isang puting Isuzu wing van na umano’y ginamit sa pagbiyahe ng mga produkto at nasa P27.53 milyon ang kabuuang halaga ng mga sigarilyo at sasakyan.
- Latest

















