^

Punto Mo

Kinansela ang trabaho bago pa man makapagsimula

DEAR ATTORNEY - Atty. Aeron Aldrich B. Halos - Pang-masa

Dear Attorney,

Sobrang stress po ako sa ginawa sa akin ng dapat sana ay magiging employer ko. Isang araw bago ang aking onboarding ay nag-email sila na ililipat daw ito ng dalawang buwan mula sa orihinal na petsa. Pumayag po ako kahit mabigat ito sa akin noon. Pagkatapos po ng isang buwan, nag-email ulit sila na hindi na matutuloy ang aking trabaho dahil sa organizational downsizing. Legal po ba ito? Ano po ang pinakamabuting gawin? Salamat po. – J.R.

Dear J.R.,

Hindi tama ang ginawa sa iyo. Nilinaw ng Supreme Court sa kasong Aragones v. Alltech Biotechnology Corporation (G.R. No. 251736, 02 April 2025) na ang pagkansela sa job offer na tinanggap na ng aplikante ay maituturing na illegal dismissal, kahit hindi pa nakakapagsimula ang newly-hired na empleyado sa aktwal na pagtatrabaho.

Halos kapareho ang nangyari sa kasong iyon at ang nangyari sa iyo. Ang empleyado doon ay tinanggap sa isang posisyon at pumirma na sa offer letter, at dahil dito ay nag-resign siya sa kanyang dating trabaho. Bago pa man dumating ang itinakdang petsa ng pagsisimula, kinansela ng kum­panya ang alok dahil umano sa redundancy. Ayon sa Supreme Court, may perpektong kontrata na sa pagitan nila sa mismong punto na tinanggap ng empleyado ang alok. Base sa Article 1315 ng Civil Code, ang isang kontrata ay perfected o buo na sa sandaling nagkaroon na ng pag­kakasundo ang magkabilang panig, at ayon naman sa Article 1324, ang alok na tinanggap na ay hindi na maaaring mabawi ng basta-basta.

Isa pa, hindi nakadepende ang pagiging ganap na empelyado ng isang new hire sa pagpatak ng petsa kung kailan siya magsisimula. Ang isang kondisyon, kapag ang usapan ay tungkol sa obligasyon at mga kontrata, ay isang bagay na maaaring mangyari o hindi mangyari. Ang pagpatak ng isang petsa ay isang bagay na tiyak na darating kaya hindi dapat tingnan ang nakatakdang petsa ng pagsisimula sa trabaho bilang isang kondisyon para sa pagkakaroon ng employer-employee relationshop.

Kaya isa ka nang empleyado ng kompanya nang tanggapin mo ang kanilang alok na trabaho. Ang tanging naipagpaliban lang ay kung kailan nila masisimulang asahan ang iyong serbisyo at kung kailan mo maaring simulan hingin ang iyong sahod. Pero sa mata ng batas, ikaw ay empleyado na nila sa puntong pinirmahan mo ang job offer.

Ang pagpayag mo sa dalawang buwang pagpapaliban ay pabor pa nga sa iyo, dahil malinaw na itinuring ng magkabilang panig na may umiiral ng kasunduan sa pagitan niyo. Kung wala naman kasing kontrata sa pagitan ninyo, wala rin kailangang ipagpaliban.

At dahil isa ka ng ganap na empleyado ng kompanya, hindi sapat ang sinasabi nilang organizational downsizing para kanselahin ang kanilang alok na trabaho. Ang “organizational downsizing” ay maaring tumutukoy sa redundancy o retrenchment na pawang mga authorized causes na may mga prosesong kailangang sundin ang employer para maipatupad ng tama.

Kabilang sa prosesong ito ang pagbibigay ng nakasulat na abiso sa iyo at sa DOLE nang hindi bababa sa tatlumpung araw bago ang petsa ng iyong termination, ang pagbabayad ng separation pay, bukod pa sa pagpapatunay na kailangan talaga ng negosyo ang isasagawang retrenchment o redundancy program. Ang isang email na nagsasabing hindi na matutuloy ang iyong trabaho ay malayo at kulang na kulang kung ihahambing sa mga kinakailangang ito.

Ang maipapayo ko, ipunin mo na ang mga sumusunod: ang offer letter o ang email na nagsasabing tanggap ka na sa trabaho, ang iyong sagot o pagtanggap doon, ang email na nagpapaliban ng onboarding at ang iyong pagsang-ayon, at ang huling email kung saan binabawi na nila ang alok sa iyong trabaho. May sapat kang basehan para magsampa ng reklamo para sa illegal dismissal sa National Labor Relations Commission.

CASE

  • Latest
Latest
Latest
abtest
Recommended
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with