Alcantara, hindi binanggit si Romualdez sa mga unang affidavit
MANILA, Philippines — Hindi binanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH)-Bulacan First Engineering Office district engineer Henry Alcantara si dating House Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez sa alinman sa kanyang mga naunang affidavit kaugnay ng umano’y flood control scam.
Kinumpirma ito ni Alcantara sa cross-examination sa Sandiganbayan Third Division sa pagdinig sa petisyon ni Romualdez para sa piyansa. Nang tanungin ng abogadang si Thea Daep kung hindi niya kailanman binanggit ang pangalan ng dating Speaker sa kanyang mga sinumpaang salaysay, sumagot siya ng “Opo, ma’am.” Isinumite ang mga affidavit sa Senado, Kamara at Office of the Ombudsman.
Inamin din ni Alcantara na nagsimula ang kanyang pakikipag-ugnayan kay dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kaugnay ng umano’y manipulasyon sa bidding bago naging Speaker si Romualdez noong Hulyo 2022. Ipinakilala umano siya ni Bernardo kay dating Ako Bicol party-list Rep. Elizaldy Co noong Setyembre 2021.
Ayon kay Alcantara, may mga pagkakataong napagpapasiyahan na ang mananalong kontratista bago pa ang bidding. May mga kontratista umanong nagbibigay ng “commitment fees” kina Bernardo o Co kapalit ng mga proyekto, habang humihingi naman ang ilang coordinator ng isang porsiyento ng halaga ng proyekto kapalit ng pag-atras ng ibang bidder.
Sina Alcantara at Bernardo ay kapwa itinalagang state witness at pinagkalooban ng immunity mula sa pag-uusig. Patuloy ang pagdinig sa petisyon ni Romualdez para sa piyansa kaugnay ng kasong plunder na may kaugnayan sa umano’y katiwalian sa mga flood control project.
- Latest

























