Kabaong, gamit sa smuggling ng P3.5 bilyong droga mula Laos - Remulla

MANILA, Philippines — Malaki ang paniniwala ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na gumamit umano ng kabaong ang pilotong si Rioklyn “Boyet” Toledo upang maipuslit sa Pilipinas ang P3.5 bilyong ilegal na droga sa pamamagitan ng kanyang air ambulance service.
Sa panayam ng ANC Headstart nitong Lunes kay Remulla, sinabi nitong lumitaw sa pagsusuri ng mga awtoridad na may mga nakaraang biyahe si Toledo sa Thailand at Malaysia na “nagsundo” umano ng mga bangkay. Hinala ng mga imbestigador, itinatago ang droga sa loob ng mga kabaong upang makalusot sa inspeksiyon sa paliparan.
Itinuturing na person of interest si Toledo sa imbestigasyon sa 521 kilo ng hinihinalang shabu na nasamsam sa Laos at umano’y nakatakdang ipuslit sa Pilipinas. Ayon kay Remulla, si Toledo rin ang kumuha umano ng pribadong eroplano mula Malaysia na ginamit sa operasyon.
Binigyan diin ni Remulla na sangkot si Toledo sa isang drug bust sa Taguig noong 2012, ngunit hindi ito nahatulan. Itinanggi naman ng piloto ang mga alegasyon at kusang humarap sa mga awtoridad upang magpasailalim sa imbestigasyon.
Samantala, pinaghihinalaang nagpondo sa operasyon si dating Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) parliament member Sultan Edrieza Nasser Rimbang. Ayon kay Remulla, kumpiyansa ang mga imbestigador sa kanilang nakalap na ebidensiya, bagama’t wala pang kasong isinampa laban kay Rimbang kaugnay ng shipment.
Sinabi rin ni Remulla na nakatanggap ang mga intelligence agency sa Southeast Asia ng impormasyon tungkol sa dalawang shipment ng hinihinalang droga na nakatakdang dalhin sa Pilipinas isang linggo bago ang operasyon. Napigilan ng pulisya ng Laos ang pasaherong si Fahad Mulok Dibarosan bago ito makasakay sa eroplano, na nagbukas sa pagtukoy sa iba pang posibleng sangkot.
Inaasahang bubuuin ng Department of Justice ang kaso at tutukuyin ang mga nararapat na ikaso sa mga suspek. Samantala, isinusulong ng Pilipinas ang mas mahigpit na pagtutulungan ng mga bansa sa Southeast Asia laban sa mga sindikato ng droga na sangkot sa transnasyonal na krimen.
- Latest






















