Depensa ni VP Sara, magbabago ng Istratehiya

Sa pagbawi sa 3 articles of impeachment
MANILA, Philippines —Tiniyak ng defense team ni Vice President Sara Duterte na aayusin ang kanilang istratehiya sa presentasyon nito ng mga ebidensya sa impeachment trial matapos bawiin ng prosekusyon ang tatlong articles of impeachment.
Sinabi ng defense spokesperson na si Atty. Michael Poa na kailangang tiyakin ng depensa na mananatiling may kaugnayan sa natitirang artikulo tungkol sa umano’y hindi maipaliwanag na yaman ang kanilang mga ebidensya kapag nagpatuloy ang paglilitis sa Senado sa Nobyembre 9.
“We want to at least streamline the presentation, make sure whatever we present will still be relevant kahit na it might seem to be a rebuttal evidence sa confidential funds,” sabi ni Poa sa isang panayam sa DZMM nitong Sabado.
“Sa atin… We need to tweak our strategy a bit now, although sa totoo lang, we would have wanted to still go on with our initial plans on how to present our evidence,” sabi ni Poa. “But with the development, kailangan talaga natin tingnan.”
Nauna nang binawi ng House prosecution panel ang tatlo sa limang impeachment articles laban kay Duterte, kaya ang alegasyon ng culpable violation of the Constitution na may kaugnayan sa hindi maipaliwanag na yaman na lamang ang natitira para litisin ng Senado.
Sinabi ni Poa na hindi naman kinakailangang magbago ang kabuuang estratehiya ng depensa, ngunit kailangan nitong suriin kung aling mga ebidensya at testigo ang kinakailangan pa sa binagong saklaw ng paglilitis.
- Latest


















