Regine, Lifetime Achievement Awardee sa FMA!

MANILA, Philippines — Pinangalanang Music Company of the Year ang ABS-CBN Music sa ginanap na Filipino Music Awards 2026, kung saan tumanggap din ng mga bigating parangal ang Kapamilya acts na BINI, si Maki, at ang Asia’s Songbird na si Regine Velasquez-Alcasid.
Tinanggap ni Regine ang Lifetime Achievement Award bilang pagkilala sa kanyang malaking ambag sa musikang Pilipino sa pamamagitan ng mga minamahal na awitin at mga hindi malilimutang pagtatanghal ng OPM icon.
Isa ang BINI sa big winners ng gabi ng parangal matapos nilang maiuwi ang dalawang grand awards na Artist of the Year at Tour of the Year para sa kanilang Signals World Tour. Patunay ito sa patuloy na lumalawak na impact ng nation’s girl group sa paghahatid nila ng musikang Pilipino sa loob at labas ng bansa sa pamamagitan ng kanilang Coachella at Summer Sonic debut, pag-awit ng A Parallel World para sa pelikulang Forgotten Island, kasalukuyang world tour, at iba pa.
Samantala, tinanggap naman ni Maki ang Album of the Year award para sa KOLORCOASTER, ang kanyang 10-track record na inilabas sa ilalim ng Tarsier Records at nagtatampok sa hits na Dilaw, kahel na langit at Namumula.
Pinangalanang Music Company of the Year naman ang ABS-CBN sa patuloy nitong suporta sa musikang Pilipino at artists nito, gayundin sa papel nito sa paglikha ng mga oportunidad para mas maabot ng OPM ang mga tagapakinig sa Pilipinas at ibang bansa sa pamamagitan ng music arm nitong ABS-CBN Music.
Sa ikalawang taon nito, ipinagdiriwang ng Filipino Music Awards 2026 ang pagkamalikhain at kahusayan habang kinikilala ang mga mang-aawit at institusyong patuloy na nagsisikap para sa pag-unlad ng OPM.
Inihandog ito ng AGC Power Holdings Corp., katulong ang One MEGA Group Inc., MEGA Global Group Inc., Modern Media Group Inc., at DigistarPH Inc.
- Latest
























