VP Sara, dedma sa patawag ng NBI

Sa ‘maleta’ ni Gracioso
MANILA, Philippines — Hindi dadalo si Vice President Sara Duterte sa itinakdang pagdinig ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Lunes, Oktubre 5, kaugnay ng mga alegasyong ibinunyag ng dating pulis na si Rodulfo Gracioso Jr.
Batay sa liham na ipinadala sa NBI at may petsang Oktubre 1, sinabi ng kampo ni Duterte na hindi siya makadadalo kasama ang kanyang mga abogado. Sa halip, hiniling nila sa ahensiya na mabigyan muna sila ng kopya ng Sinumpaang Salaysay ni Gracioso at iba pang kaugnay na dokumento bago sila magsumite ng pahayag.
Ayon sa liham na naka-address kay NBI Director Melvin Matibag, binanggit sa paanyaya ng NBI na may kalakip itong kopya ng Sinumpaang Salaysay ni Gracioso, ngunit wala umano itong nakalakip nang matanggap nila ang liham.
Dahil dito, hiniling ng kampo ni Duterte ang kumpleto at malinaw na kopya ng Sinumpaang Salaysay ni Gracioso, kasama ang lahat ng kalakip at anumang ebidensyang isinumite nito.
“This will enable our client to intelligently prepare a reply thereto and/or take other appropriate action thereon,” dagdag pa sa liham.
Hiniling din ng kampo ng bise presidente na mabigyan sila ng sapat na panahon upang masuri ang mga dokumento at mailipat ang conference sa Oktubre 8, 2026, alas-10 ng umaga.
Nauna nang inimbitahan ng NBI si Duterte matapos ang alegasyon ni Gracioso na ilang beses umano siyang naghatid ng mga maleta ng pera na aabot sa mahigit P2 bilyon para kay Duterte sa utos umano ni dating House Speaker Lord Allan Velasco.
- Latest




















