Team Philippines tumapos sa 17th place sa Asiad

Enriquez nagdagdag ng pilak
MANILA, Philippines — Tinapos ng Team Philippines ang kampanya sa 20th Asian Games sa hinakot na apat na golds, siyam na silvers at 16 bronzes para pumuwesto sa 17th place kahapon sa Aichi-Nagoya, Japan.
Dalawang golds ang nagmula kay 2024 Paris Olympics gymnastics double-gold medalist Carlos Edriel Yulo at tig-isa ang ambag nina pole vaulter EJ Obiena at taekwondo jin Jeus Gabriel Derick Yape.
Inihabol ni Alexandria Enriquez ang pang-siyam na silver sa jiu-jitsu event nang malusutan ni Orapa Senatham ng Thailand via advantage sa women’s -63-kilogram division.
Mas maraming nakolektang medalya ang mga national athletes ngayon kumpara sa 2018 Asiad sa Palembang-Jakarta, Indonesia (4-2-15) para sa No. 19 place at sa 2022 Games sa Hangzhou, China. (4-2-15) para sa No. 17 seat.
Ito rin ang pinakamagandang performance ng mga Pinoy athletes sa kasaysayan ng Asiad matapos kumolekta ng pitong ginto, anim na pilak at 24 tanso noong 1962 edition sa Jakarta, Indonesia para tumapos sa No. 3 spot sa kabuuang 15 bansa.
“This is the best performance of the Philippines in 64 years. And when we say 64 years, the last time was in 1962 in Jakarta (Indonesia),” ani Philippine Sports Commission (PSC) chairman Patrick ‘Pato’ Gregorio.
“Pagbilang natin ng apat na ginto, pagbilang natin ng silver, pagbilang natin ng bronze, tingnan po natin sa total picture of what we are doing well for Philippine sports,” dagdag nito.
Nadagdagan pa sana ang mga tanso ng bansa sa iba pang events sa pagsasara ng Aichi-Nagoya Asiad.
Ito ay makaraang matalo sa kanilang mga bronze medal matches sina jiu-jitsu fighter Andrea Lao (women’s -63kg), padel players Danna Abad at Joshea Malazarte (women’s pair), Dhenver John Castillo (boy’s windsurfing) at ang RP Blu Girls (women’s softball).
Dinomina ng China ang Aichi-Nagoya Asiad sa hinakot na 165 golds, 86 silvers at 75 bronzes kasunod ang host Japan (75-87-87), South Korea (35-41-67), Uzbekistan (21-23-23), India (20-26-36), Thailand (17-13-20), Iran (15-17-15), Kazakhstan (12-22-45), Bahrain (11-5-6)at Hong Kong (10-19-23)) para sa Top 10.
- Latest





















