Eala move on na agad, balik WTA Tour na

MANILA, Philippines — Move on na agad si Alex Eala matapos ang bigong gold-medal attempt nito sa Asian Games sa Nagoya, Japan.
Tututok na ang atensiyon ni Eala sa pagbabalik-aksyon nito sa WTA Tour.
Kailangan ni Eala na mabilis na kalimutan ang mapait na kampanya nito sa Asian Games dahil sasabak ito sa Wuhan Open sa China na gaganapin sa Oktubre 12 hanggang 18 kasunod ang partisipasyon sa Ningbo Open sa China rin sa Oktubre 19 hanggang 25.
“I’m going to Wuhan and continue the tour,” ani Eala matapos maputol ang ratsada nito sa Asian Games semifinals.
Lumasap si Eala ng masaklap na 6-3, 3-6, 2-6 kabiguan sa kamay ni Wang Xiyu ng China upang magkasya lamang sa tansong medalya.
Sa kabila nito, nagpasalamat si Eala sa mga sumuporta sa kanyang laban.
Ibinuhos nito ang lahat ng kanyang makakaya subalit kinapos ito kontra sa Chinese netter.
“Thank you so much. It meant a lot to me to be here and to compete, and, you know, at the end of the day, I gave my all. I prepped the best I could prep,” ani Eala.
Masaya si Eala sa experience nito sa Asian Games dahil marami rin itong natutunan partikular na sa mga bagay na dapat nitong tutukan at ma-improve.
“Happy that I was able to have this experience,” ani Eala.
Masaklap ito para sa Pinay netter na paboritong magkampeon sa Asian Games tangan ang No. 1 seed at may pinakamataas na ranking sa torneo.
Subalit hindi pumabor ang kapalaran para kay Eala.
Lumiban pa si Eala sa WTA 1000 Beijing Open na isang mandatory event ng WTA kung saan nakaamba ang penalty dahil sa hindi nito paglalaro sa naturang torneo.
Gayunpaman, ayaw na itong isipin pa ni Eala.
Wala itong pagsisisi sa kanyang desisyon dahil karangalan nito ang katawanin ang bansa sa Asian Games na ginaganap lamang kada apat na taon.
Sesentro na ang atensiyon nito sa mga susunod na torneong lalahukan nito sa WTA Tour.
- Latest























