16 mangingisda tiklo sa illegal fishing sa Quezon

CAMP NAKAR, Lucena City, Philippines — Napigilan ng mga awtoridad ang isang malaking operasyon ng ilegal na pangingisda gamit ang “buli-buli” (Danish Seine) sa karagatang sakop ng Balesin, Polillo, Quezon na nagresulta sa pagkakadakip ng 16 mangingisda kamakalawa.
Base sa tinanggap na ulat ni Quezon Police Provincial Office (QPPO) Director PCol.Romulo Albacea, isinagawa ang matagumpay na seaborne operasyon gamit ang Governor Helen Tan Patrol Boat na umalis noong gabi ng Setyembre 26 at nagpatuloy hanggang nitong Setyembre 27, 2026.
Pinangunahan ang nasabing operasyon nina Henry M. Isagunde, presidente ng Bantay-Dagat at Boat Captain Felicio S. Sopranes Jr., kasama ang team ni Sgt. Jefferson S. Lopez, ng Philippine Army (PA), at PNP Special Action Force.
Ayon kay MENRO Romel Calzado, arestado sa nasabing operasyon ang kapitan ng bangka na nakilalang si Ricky R. Agodera, 48-anyos, na taga-Mulanay, Quezon, at ang maestro ng laot na si Eddie B. Malinaw, 45 anyos, mula sa Atimonan, Quezon.
Kasama ring nadakip ang 14 na iba pang miyembro ng crew at mangingisda na karamihan walang proper document na karamihan ay nagmula sa mga bayan ng Atimonan at Mauban, Quezon.
Nasamsam sa operasyon ang isang walang markang malaking bangka, mga ilegal na kagamitan sa pangingisda tulad ng PC rollers, power block/magic ring, tom weight, anchor, rollo ng lubid, roller guides, tatlong malalaking makina (Isuzu, Fuso, at Pang-Umas), 22 container ng krudo, dalawang GPS units, limang set ng remorke, at 10 styrofoam boxes na naglalaman ng mga nahuling isda.
Inihahanda na ang kaukulang kaso laban sa mga suspek dahil sa paglabag sa Philippine Fisheries Code, partikular sa paggamit ng buli-buli na mahigpit na ipinagbabawal dahil sa pagkasira ng mga coral reef at seabed ng karagatan.
- Latest





















