Deniece Cornejo, Cedric Lee di’ pa makakalaya

MANILA, Philippines — Hindi pa makakalaya sina Deniece Cornejo at Cedric Lee sa kabila ng utos ng Court of Appeals.
Ayon kay BuCor Director General Gregorio Pio Catapang Jr., may hiwalay pang kaso Grave Coercion na dapat na bunuin sina Cornejo at Lee. Ang pagpapalaya kina Cornejo at Lee ay bunsod ng pagbaba ng bilang ng pagsisilbi ng sentensya sa kasong serious illegal detention for ransom na isinampa ng aktor na si Vhong Navarro.
Sinabi ni Catapang, kailangan na suriin ang mga records nina Cornejo at Lee upang matukoy ang release status ng dalawang persons deprived of liberty (PDL) at matiyak na naaayon sa batas at mga umiiral na patakaran ang kanilang pagpapalaya. Humihingi rin ang BuCor ng Certificate of No Pending Case mula sa Taguig Regional Trial Court.
Kasalukuyan nilang sinusuri ang mga records ni Cornejo at Lee kung saan humihingi sila sa CA ng kopya ng Entry of Judgment kaugnay ng utos nitong Setyembre 25 na palayain sina Lee at Cornejo.
Nasa kustodiya ng BuCor si Lee mula Mayo 3, 2024, habang Mayo 2, 2024 naman natanggap si Cornejo.
Batay sa computation hanggang Setyembre 26, may 460 araw na Good Conduct Time Allowance (GCTA) si Lee, habang may 440 araw na GCTA at 75 araw na Time Allowance for Study, Teaching and Mentoring (TASTM) si Cornejo.
Lumilitaw sa computation ng BuCor, Disyembre 23, 2026 ang minimum sentene date kay Cornejo habang Pebrero 18, 2027 ni Lee.
Samantala, sinabi naman ni Atty. Alma Mallonga, abogado ni Navarro na patuloy silang magtitiwala sa proseso ng hustisya at gagamitin ang lahat ng legal na remedyo na maaari niyang gawin.
- Latest



















