Alegasyon ni Gracioso vs mga Duterte, beberipikahin – Remulla
MANILA, Philippines — Tahasang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Jonvic Remulla na beberipikahin muna ng mga awtoridad ang mga alegasyon ng sinibak na pulis na si Rodulfo Gracioso Jr. laban sa pamilya Duterte.
Sinabi ni Remulla na sasailalim sa masusing imbestigasyon si Gracioso upang matukoy ang katotohanan ng kanyang mga pahayag. Susuriin din umano ang background ng dating pulis at ang iba pang impormasyong kaugnay sa kanyang mga alegasyon.
Kinumpirma naman ng Philippine National Police (PNP) na dating kabilang si Gracioso sa security detail ni dating House Speaker Lord Allan Velasco. Sinibak siya sa serbisyo nitong Setyembre 11.
Lumutang si Gracioso nitong nakaraang linggo at sinabing naghatid siya ng mga maleta na umano’y naglalaman ng pera kina Vice President Sara Duterte, dating pangulong Rodrigo Duterte at Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte, sa utos umano ni Velasco. Itinanggi ni Sara na kilala niya si Gracioso o nakatanggap siya ng pera mula rito, habang sinabi naman ng kampo ni Velasco na walang batayan ang mga alegasyon.
Samantala, tinawag ni dating presidential legal counsel Salvador Panelo na “fabricated story” ang mga pahayag ni Gracioso at iniuugnay ito sa umano’y pagtatangkang patalsikin at madiskuwalipika si Sara sa 2028 presidential elections.
Patuloy namang sinusuri ng mga awtoridad ang mga alegasyon upang matukoy kung may sapat na ebidensiyang susuporta.
- Latest























