Pinay chessers may tsansa pang higitan 24th finish sa Olympiad
MANILA, Philippines — May tsansa pa ang Philippine women’s team na malampasan ang 24th finish may dalawang taon na ang nakaraan matapos nilang kaldagin ang Costa Rica, 3-1, sa 10th at penultimate round ng 46th Women’s Chess Olympiad na ginaganap sa Silk Road International Exhibition Centre sa Samarkand, Uzbekistan, noong Sabado ng gabi.
Pinisak nina Woman Grandmaster Janelle Mae Frayna, Woman International Master Jan Jodilyn Fronda-Grafil, at Woman FIDE Master Shania Mae Mendoza ang kani-kanilang mga kalaban sa boards one, three, at four upang tuluyang masigurado ang panalo ng bansa.
Tanging si WIM Ruelle Canino ang nakalasap ng talo sa team Philippines’ matapos ang 49 moves ng Pirc Defense kontra WIM Sofia Mayorga Araya sa board 2.
Umakyat sa ika-21 na puwesto, kung saan kasama nila ang 11 bansa na may pare-parehong 13 match points bago ang huling round, ang kampanya ng Pilipinas ay suportado ng Philippine Sports Commission sa pamumuno ni chairman Patrick “Pato” Gregorio.
Importante ang huling laro ng Filipinas kontra 20th seed England, target nila ang makasampa sa top 20 at magkaroon ng pagkakataong masungkit ang category B gold sa ikalawang magkasunod na edisyon.
Nakuha ng Nationals ang 24th place sa pangkalahatan at ibinulsa ang gintong medalya sa kanilang bracket sa Budapest, Hungary dalawang taon na ang nakalipas.
Isang bonus na P500,000 ang naghihintay sa Filipinas kung makatapos sila sa top 20, sa kabutihang-loob ng head of delegation at Gov. ng Misamis Occidental na si Henry Oaminal Sr.
- Latest






















