EDITORYAL - Mga tanong sa Anti- Political Dynasty Act
HINILING ng Senado kay President Ferdinand Marcos Jr. na sertipikahang urgent ang Anti-Political Dynasty Act. Ginawa ang kahilingan sa session ng Senado noong Huwebes.
Ayon sa mga senador, nararapat nang maipasa ang panukala bago matapos ang session ng Kongreso sa Oktubre 9.
Ipinasa ng House of Representativues ang panukala noong Hunyo 3, 2026 sa botong 267-20. Ang principal authors ng panukala ay sina Speaker Faustino “Bojie” Dy III at Majority Leader Ferdinand Alexander “Sandro” Marcos.
Isa sa mga dahilan para madaliin ang panukala ay ang desisyon ng Supreme Court na nagsabing may constitutional duty ang Kongreso na gumawa ng batas laban sa political dynasties.
Ayon sa Kataas-taasang Hukuman, ang 39 na taong hindi pagkilos sa anti-political dynasty ay umabot na sa grave abuse of discretion.
Pero may mahalagang limitasyon ang desisyon. Hindi ang Supreme Court ang magdidikta kung sino ang maituturing na political dynasty.
Kongreso pa rin ang gagawa ng definition at magtatakda ng saklaw ng pagbabawal.
Diyan ngayon magiging mahalaga ang detalye. Ang House version na naipasa ay sumasaklaw hanggang second degree of consanguinity or affinity.
Samantala, sinabi ng Supreme Court na may legal basis para ikonsidera ang prohibition hanggang fourth civil degree, bagaman nilinaw nitong nasa Kongreso pa rin ang desisyon sa aktuwal na saklaw.
May isa pang tanong: paano ang party-list?
Nagbabala si Akbayan party-list Representative Perci Cendaña na kung hindi ito maisasama, maaaring maging “backdoor” ang party-list system para sa political families.
Hindi rin simpleng usapin ng degree of relationship. Kailangang linawin kung ang batas ay sasaklaw lamang sa sabay na paghawak ng puwesto o pati sa sunud-sunod na paghalili ng magkakamag-anak, at kung paano ito ia-apply sa national, local at party-list positions.
Kaya ang susunod na yugto ng debate ay hindi na lamang kung magkakaroon ba ng anti-dynasty law. Ang mas mahalagang tanong ay kung ano mismo ang ipagbabawal nito at kung gaano kalawak ang mga puwang na maiiwan pagkatapos ng 39 na taong paghihintay.
- Latest



















