Holdaper nagpanggap na pasahero, tiklo

MANILA, Philippines — Humantong sa kalaboso ang isang 25-anyos na lalaki na nagpanggap na pasahero makaraang ireklamo ng panghoholdap sa isang taxi driver sa Cubao, Quezon City kamakalawa ng madaling araw.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, P/B Gen. Christopher Olazo ang nasakoteng suspect na si alyas “Etot,” 25, at naninirahan sa Brgy. Botocan, Quezon City.
Sa imbestigasyon, pinara ng suspect ang 44-anyos na taxi driver malapit sa bahagi ng Philcoa at nagpahatid sa Cubao; pawang sa Quezon City.
Pagsapit sa Illinois St., Brgy. Silangan, Cubao, bandang alas-3:45 ng madaling-araw, bumaba ang suspect sa taxi at sinabing sandali lamang umano at may hinihintay siyang tao.
Sinundan ito ng driver upang singilin sa pamasahe, pero sa halip na magbayad ay biglang naglabas ng kutsilyo ang suspect sabay deklara ng holdap matapos namang tutukan ng patalim sa leeg ang biktima.
Tinangay ng holdaper ang P1,300 cash na kita ng taxi driver at mabilis tumakas.
Nagkataon naka-duty ang operatiba ng Tactical Motorcycle Riding Unit ng Police Station 8 na nakita ang komosyon bunsod upang habulin at nasakote ang suspek.
- Latest






















