Sebastian, Team Philippines tuloy ang ratsada sa Chess Olympiad
MANILA, Philippines — Patuloy na nagpapakitang gilas ang Philippine women’s team matapos nilang ilampaso ang Syria, 3.5-.5, noong Huwebes ng gabi upang manatiling walang dungis ang kanilang karta sa second round ng 46th World Chess Olympiad na nilalaro sa Silk Road International Exhibition Centre.
Nagtala ng panalo sina Mhage Sebastian, Jan Jodilyn Fronda at Shania Mae Mendoza sa boards one, three at four ayon sa pagkakasunod habang nakipaghatian ng puntos si Ruelle Canino kay Manar Khalil sa board two upang irehistro ang four match points.
Una nilang kinaldag ang Malawians, 4-0 sa opening round, pero tiyak na mapapalaban sila sa susunod nilang laro sa round 3.
Hindi pa naglalaro si Woman GM Janelle Mae Frayna, inaasahang tutulak na siya ng piyesa sa third round.
Sariwa si Frayna sa dalawang pares na national titles na ginanap sa Malolos, Bulacan at Alicia, Isabela, makikilatis siya kontra tigasing woodpushers na si IM Szidonia Lazarne-Vajda ng Hungary sa second board.
Mananatiling lalaro si Sebastian sa top board matapos ang impresibong dalawang panalo habang si Fronda ay tutulak ng piyesa sa board three at sa board 4 si Shania Mae Mendoza.
- Latest























